Metered Dose Inhaler
Ano ang pressurized metered dose inhaler (pMDI)?
Ang pressurized metered dose inhaler o pMDI o MDI ay isang gadget ng gamot para sa baga na nakalagay sa isang canister na nakapaloob sa isang plastic na sisidlan na may mouthpiece. Ang pangunahing gawain nito ay magbigay ng gamot diretso sa baga ng isang pasyente sa pamamagitan ng pag spray habang ang pasyente ay humihinga ng malalim.
Ang MDI ay gamot na ginagamit sa iba’t ibang sakit sa baga. Tulad ng asthma o hika, empaysima o COPD, at iba pang sakit sa baga.
Mga parte ng MDI
May iba’t ibang bahagi ang Metered Dose Inhaler o MDI. Ang canister, plastic holder at mouth piece. Sa loob nito ay may metering valve at propellant kung saan naroon ang gamot para sa baga.
Wastong paggamit ng MDI
Ang wastong paggamit ng inhaler ay napaka-importante. Kung hindi tama ang paggamit, maaring hindi sapat ang gamot na mapupunta sa baga at hindi maging mabisa. Sabayang pagpindot ng inhaler at marahang paghigop ng malalim ang kinakailangang gawin. Maaaring tumagal ng ilang mga pagsubok upang masanay sa paggamit ng inhaler.
Karaniwang pagkakamali na nagagawa sa paggamit ng MDI ay ang paghigop at pagpindot ng inhaler ng sabay kung kaya ipinapayo ang paggamit ng “spacer” o “holding chamber”.
Spacers:
Ginagamit ang spacer para mapanatili ng ilang segundo ang inispray na gamot sa loob ng tube o chamber para mahigop ng maayos ng pasyente ang gamot. Maiiwasan ang hindi magandang epekto gaya ng pamamalat o fungal inpeksyon sa bibig.
Priming:
Bago gamitin ang iyong pMDI mahalagang ihanda ito o “i-prime” para maibigay ang wastong dose ng gamot. Ginagawa ang “priming” sa unang pagkakataon na gagamitin ang inhaler o kung hindi nagamit ng ilang araw na sunod-sunod.
Gawain ang mga sumusunod sa pag-prime ng inhaler:
- Alisin ang takip ng mouthpiece ng inhaler
- I-shake ng ilang segundo
- Pindutin ang canister hanggang may lumabas na hangin o spray.
Ang bilang ng spray na kinakailanagan ay depende sa ginagamit na MDI kaya’t mahalagang alamin at basahin ang manual ng inhaler. Ang iba’t-ibang MDI ay may kanya-kanyang instruksyon sa pagpa-prime.
Alamin din ang expiration date o kung may laman pa ang inhaler. Ang ibang MDIs ay may dose counter. Kung sakaling wala, kinakailangan ng pasyente na magbilang ng kanyang paggamit.
Paggamit ng MDI na Walang Spacer
- Hawakan ang inhaler ng patayo at alisin ang takip. Siguraduhing walang dumi ang loob ng mouthpiece.
- I-shake ang inhaler ng ilang segundo.
- Umupo ng tuwid o tumayo ng maayos. Ikiling ang iyong baba para mas madali ang paghigop ng gamot.
- Marahang huminga nang palabas (malayo sa inhaler) sa abot ng iyong makakaya.
- Ilagay ang inhaler sa bibig. Siguraduhing nakalapat ng mahigpit ang mga labi para walang singaw.
- Pindutin ang canister ng inhaler ng minsan at dahan-dahang huminga ng malalim hanggang mapuno ng hangin ang baga.
- Tanggalin ang inhaler sa bibig at panatihiling nakasara ang bibig.
- Magpigil ng paghinga ng hanggang sampung segundo.
- Saka dahan-dahang huminga nang palabas sa pamamagitan ng inyong ilong o ng iyong bibig.
Kung sakaling kinakailangan pa ng pangalawang dose, ulitin muli ang mga steps matapos ang 30 segundo o isang minuto. Kung tapos na, ibalik ang takip ng inhaler. Kung may “steroids” ang MDI, huwag kakalimutang magmumog ng bibig ng tubig.